Cebuano ("CEB" [639-3]).

Ang Cebuano (na kung tawagin ng mga katutubong tagapagsalita nito ay Sugbuanon), ay ang ikalawa sa pinakamalaking wika na sinasalita sa Pilipinas na may humigit-kumulang 20 milyong mga nagsasalita nito bilang kanilang unang wika at 11 milyong mga nagsasalita nito bilang kanilang pandagdag na wika.

Ang Cebuano ay katutubong wika ng isla ng Cebu sa Pilipinas, at ito siyang itinuturing na lingua franca o pangunahing wika ng katimugang Pilipinas (at sanhi nito ay tinatawag ito minsan bilang Visayan, Visaya o Bisaya). Tinatawag din minsan bilang Bol-anon at Kana depende sa mga pagkakaiba-iba ng lenggwahe, ang wika ay sinasalita bilang katutubong wika ng mga nakatira sa Cebu, Bohol, silangang bahagi ng isla ng Negros, mga kanlurang bahagi ng mga isla ng Leyte at Biliran, katimugang sangkatlo ng isla ng Masbate, at sa kabuuan ng karamihan ng rehiyong Mindanao, at bilang isang pang-ikalawang wika ng mga Waray sa Samar At Leyte, Porohanon sa Poro, mga Ilonggo sa Negros Oriental, at Eskaya sa Bohol.

Bilang ika-47 na nangungunang wika sa mundo, ito ay isang laganap na wika sa Pilipinas na mapapatunayan ng dami ng mga migranteng pangkat-etnikong Pilipino na nagsasalita nito, pati ng rin ng mga dayuhang pangkat-etniko sa iba't-ibang mga bahagi ng mundo. Isang wikang Austronesian tulad ng marami pang ibang mga wika sa PIlipinas, ang Cebuano ay gumagamit ng isang alpabetong Latin na may 17 katinig at 4 patinig, at ito ay isang wika na ang pagkakasunod ng pangungusap ay Pandiwa Simuno Layon (Verb Subject Object), kung saan ang unang kataga sa pangungusap ang siyang binibigyang-diin.